Tag Archives: tagalog

30 Day Letter Challenge Day 2 — Your Crush/Boyfriend/Girlfriend

Standard

Para sa aking kasintahan,

Habang may ngiti sa labi, iniisip ko kung ano ang sasabihin ko sa liham na ito. Maisip ko pa lamang ang iyong pangalan ay sumasaya na ang aking kalooban. Bakit? Mahal kasi kita. At mahal mo ako. Ang gaan sa kaloobang mahal mo ako.

Dahil diyan, magpapasalamat ako – maraming salamat kasintahan. Lalo na noong mga nakaraang linggo, lubha akong nagpapasalamat sa walang sawa mong pagsuporta sa akin. Salamat sa pakikinig sa aking mga daing noong panahong nag-aaralako para sa boards at habang kumukuha nito. Sa iyo lamang kasi ako pwedeng dumaing. Sa iyo lamang ako pwedeng umiyak. Salamat dahil naiintindihan mo ako. Isinalba mo rin ako sa kauna-unahang interview ko noong isang linggo. Naisip ko nga noon, wala nang suswerte pa sa akin dahil mayroon akong nobyong katulad mo – mula sa pagsama sa akin sa Pasay hanggang sa pagtetext sa akin ng tungkol sa silicon, hindi mapapantayan ang naitulong mo sa akin noon. Napakabuti mo sa akin.

Pero sa lahat, nagpapasalamat ako dahil tanggap mo ako. Palasak na sa pandinig, pero totoo. Sa iyo at sa iyo lamang ako nakasasagot sa mga tanong tungkol sa relihiyon at sekswalidad nang buong katapatan dahil alam kong hinding hindi mo ako huhusgahan sa aking mga sagot. Kumbaga nakita ko ang sarili ko nang mas malinaw dahil sa iyo. At walang masama sa pagiging ganito ko. Maraming salamat.

Sa bandang dine, akalain mo nga namang nakakalahating taon na ang ating relasyon. Naaalala mo ba noong nag-uusap tayo tungkol sa kabaligtaran nito? Ganoon pa man, kahit may ganoon akong pag-iisip ay matindi ko pa ring hinihiling na sana’y tumagal pa itong ating ito. Na dumami pa ang mga librong ating pagkukuwentuhan, ang mga pilosopiyang ipapaliwanag mo sa akin, ang mga magagandang bagay o tao na ating pinupuri. Na dumami pa ang mga haplos, yakap at halik na ibinibigay natin sa isa’t isa. Hindi man matupad, masaya pa rin ako na masaya ang ngayon.

At masayang isipin na masaya ka rin ngayon.

Nagmamahal at iyong iyo,
Sasa.